Tuesday, January 03, 2006

Tunay na Lalaki

The following is a fairly accurate translation of an article I contributed for the book LEGACY (Makati: Church Strengthening Ministry, 2005) entitled "Be a Man". You can purchase a copy from the nearest National Bookstore or Powerbooks site.

Ano ba ang sukatan ng pagiging lalaki? May macho dyan, ganito ang sasabihin. May chicks naman, ganyan ang sasabihin. Sana naman, nakita mo sa akin ang isang mabuting example ng tunay na lalaki. Di ko alam kung sa tingin mo ay macho ako, dahil napansin mo siguro macho-norin ako. Itanong mo sa Nanay mo.

Pakinggan mo ang sinabi ni Tatay ko. Una, siyempre ang lalaki ay hindi babae. Male imbis na female. Obvious, di ba? Pero marami ngayon ang nalilito. Sabi ng DNA nila, lalaki sila. Sabi naman nila, feel nila maging babae. Sinigurado ng Lolo mo na malinaw ito sa akin nang tinanong ko siya kung bakit hindi ako pinanganak na babae—pitong taong gulang pa lang ako noon. Lalaki ako dahil ito ang design ni God para sa akin. Nakasulat sa DNA ko na XY ako—male species. Nasa plano daw ng Diyos na maging lalaki ako. Ganito rin ang plano niya para sa yo, mi hijo guapo, at mga brothers mo.

Pangalawa, hindi lagi na kung sino ang pinakamalaki, pinakamalakas, o pinakamaliksi ay siyang tunay na lalaki. Nang grumadweyt ako sa haiskul, ako yata ang pinakamaliit sa batch 1979. Kung pipila kami at mauuna ang pinakapandak, ako yun. Ang hirap palang pumorma sa mga dalaga kung hanggang kilikili lang ang tangkad mo. Mabuti na lamang at dinagdagan pa ni God nang ilang inches ang height ko para naman, at least, matitigan ko ang nanay mo nang mata sa mata.

Pag-isipan mo ito,

Isa pang bagay na napansin ko sa daigdig:
ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan
ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan.
Ang matatalino'y di laging nakasusumpong ng kanyang kailangan
at di lahat ng marunong ay yumayaman.
Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay;
lahat ay dinaratnan ng malas. (Mangangaral 9:11, MBB)

Hindi laging ikaw ang llamado. Pero hindi rin porke dejado ay hindi ka na sasagana. Sa biyaya at katalinuhang galing sa Diyos, pwede kang yumabong kung saan ka inilagay ni God, ano man ang pagkakataong dadalaw sa iyo. Sumagana ka kung saan ka ilalagay ng Diyos. Ito ang panalangin ko para sayo.

Pangatlo, ang tunay na lalaki ay may tiwala sa kanyang pagkalalaki, ayon sa pagkalikha ng Diyos sa kanya. Di na kinakailangang patunayan niya ito kahit kanino. Ano ba yun? Siguro ganito: hindi na kailangan ng isang tunay na lalaki na magparami ng chicks. Ang babaero ay lalaking walang tiwala sa sarili. Parang may kulang sa kanya na kailangang punuan ng mga babae. Niloloko niya ang kanyang sarili. Walang makapupuno sa puwang na yun kundi ang Diyos lamang. Ang lalaking walang tiwala sa sarili ay takot na malaman ng iba kung sino talaga siya. Kaya, nag-iimbento siya ng mga kontest at palaro para makita kuno kung sino ang number 1. Ang tunay na lalaki ay di na kailangang magpataas ng ihi. Sa halip, mas pinagtutuunan niya ng pansin kung paano siya magiging biyaya sa mga nakapaligid sa kanya.

Ang pinakadakila sa lahat ay sinumang naglilingkod sa lahat. Ganyan si Jesu-Cristo. Baliktad sa mundo. Sinisikap kong gumaya kay Cristo, at inaasahan kong gagaya ka rin sa akin.

Magpakalalaki ka, anak.

No comments: