Pag tinitingnan kita, namimiss ko Tatay ko. Sana nagkaroon ka pa ng mas mahabang panahon na makapiling si Lolo mo. Marami ka sanang matututunan sa kanya. Hitik sa karanasan at kaunawaan ang kanyang buhay. Mula sa isang maliit na bayan sa tabi ng Pacific Ocean sa Surigao Del Sur, nakipagsapalaran siya upang sunggaban ang anumang maidudulot ng buhay. Madami siyang napuntahan, natikman, nasubukan, at naranasan. Paglipas ng 74 na taon, pinauwi na siya ng Diyos sa langit. Ikekwento ko sayo ang isa sa mga tinagubilin niyang ituro ko daw sayo noong ikaw ay ihandog sa Panginoon nang maliit ka pa.
Anak, napakagwapo mong bata. Pero hindi ikaw ang sentro ng buong universe. Kilig na kilig ang lahat ng pumuna sa malalalim mong dimples kapag ikaw ay nakangiti. Makinig ka. Espesyal ka talaga. Mula sa milyon-milyong semilya na nanggaling sa akin, mula sa isa ay nabuo ka kasama ng isang itlog mula sa nanay mo. Bunga ka ng aming pag-iibigan. Buhay ka ngayon dahil ikaw ang napili. Ibig sabihin, may layunin ang Diyos sa buhay mo. Alam kong ipapaunawa ito ng Diyos sa iyo nang malalim at malawak na paraan, kung magpapatuloy kang lumago sa pagkilala sa Kanya. Noong baby ka pa, tinititigan kita sa mata. Nakita ko, may talino ang mga tingin mo. Galing talaga ni LORD. Pero higit pa dyan, mas nakamamangha na gusto ni God na makilala mo siya nang lubusan.
May sasabihin ako: “Huwag mong ilagay ang tiwala mo sa nakikita ng ibang tao sa iyo.” Nakatataba ng puso kung maraming humahanga sayo, pero delikado ito sa pride mo. Sayang, hindi nakikita ng iba kung ano ang laman ng puso mo. Isa pa, lilipas din ang kanilang pagpansin sa iyo. Sinasabi ng Biblia, lumilipas ang kagandahan, kasimbilis ng singaw. Ngayon nandyan, sa isang iglap, wala na (Awit 39:5). Okay lang yan.
Naalala ko Lolo mo. Hindi siya kalakihan. In short, maliit siyang tao. Pwede rin sabihing pandak siya. Aniya, “Wala pang Star margarine noon, eh.” Pero sa loob, sa puso, higante ang Lolo mo. Alam mo kung bakit? Sa paglipas ng panahon ng kanyang mga naranasan, nabasa niya ang New Testament ng Biblia. Nadiskubre niya na mahalaga pala siya sa paningin ng Diyos. Napakahalaga niya dahil iyon ang tingin ng Diyos sa kanya. Gayun na lamang ang pagmamahal ng Diyos kaya't binigay niya ang Kanyang bugtong na Anak na mamatay sa krus para sa kanya.
Sa ganun ding paraan, mahal ka rin ng Diyos, anak. Ganyan din ang pagtingin ng Diyos sa ibang mga tao. Doon nanggaling ang kanilang kahalagahan. Kaya nga kailangang dakilain mo rin sila. Alalahanin mo ang mga katabi mo. Bigyan mo sila ng pansin—ang kanilang kailangan, ang minimithi nila, ang bumabagabag sa kanila. Matuto kang lampasan ang pagiging makasarili—“ako, sarili ko, akin.” Higit sa lahat, kailangan nilang malaman na mahal sila ng Diyos at nararamdaman ng Ama ang kanilang dinaramdam. Matutuwa ang Diyos kung ipakikilala mo ang pag-ibig Niya sa kanila. Ipakita mo. Sabihin mo.